MANILA, Philippines - Isang Mexican national na miyembro ng international drug syndicate na “Sinaloan Drug Cartel” ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska sa may P12.5 milyong halaga ng cocaine sa lungsod ng Makati, kahapon ng hapon.
Sa pinagsanib na operasyon ng PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakuhanan ng 2.5 kilo ng cocaine ang suspek na kinilalang si Horacio Hernandez, 40, isang Mehikano at residente sa isang hotel sa Makati Avenue.
Ang nasabing suspek ay sangkot din anya sa nangyaring operasyon sa Lipa City kung saan 84 kilo ng shabu ang nasamsam noong nakaraang taon.
Base sa inisyal na ulat, nangyari ang pag-aresto ganap na alas-2 ng hapon, habang sakay ang suspek ng isang Toyota Vios at nakaparada sa isang restaurant sa Makati Avenue.
Isang buy-bust operation ang ginawa ng mga operatiba kung saan nagkunwaring bibili ng halagang P100,000 na cocaine sa suspek na siyang dahilan ng pagkakadakip nito.
Sabi ng PDEA, bago ang operasyon, halos isang taon nilang tiniktikan ang galaw ng Mexicano at nang makumpirma ang pagdadala nito ng nasabing droga ay saka isinagawa ang operasyon.
Nasamsam sa suspect ang may 10 transparent na plastic bag na naglalaman ng cocaine na nakasilid sa itim na reusable bag.
Dahil sa pagkakadakip sa suspek, positibo na nakapasok na nga sa Pilipinas ang sindikato ng iligal na droga buhat sa Mexico at nag-ooperate na.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nasa kustodiya na ng PDEA.