Hitman, tipster timbog sa checkpoint

MANILA, Philippines – Tsamba man ay itinu­turing na nakapagligtas nang buhay ang inilatag na checkpoint ng mga tauhan ng Del­pan Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District-station 2 nang madiskubre nila sa  text messages ng sinitang motorista na isa itong ‘hitman’ at  may itutumba sana ito kahapon ng umaga.

Unang nadakip sa inilatag na checkpoint si Rafael Nepa, 33, ng Purok 3, Isla Puting Bato, Tondo; habang itinuga at nadakip sa follow-up operation ang kasabwat nito na si Joven Villanueva, 35,  ng Purok 2, Isla Puting Bato.

Sa ulat ni Delpan PCP commander, Chief Inspector  Johnny Guiagui kay Supt. Jackson Tuliao, hepe ng station 2, dakong alas-5:30 ng umaga nang maglatag ng  checkpoint ang kanilang grupo sa  panulukan ng Zaragosa at  Kagitingan Sts. sa Tondo.

Naagaw lamang umano ang pansin nila nang makitang pabalik-balik ang Fino Yamaha 8496 QW na minamaneho ni Nepa kaya sinita nila ito.

Doon nadiskubre na may  itinatagong baril  sa beywang si Nepa  at nang tingnan ang hawak nitong cellphone ay  doon nabasa ng mga pulis ang mensahe na may kinalaman   sa itutumbang isang alyas   Bobot,  na bise presidente umano ng Porters’ Association.

Nang makipagpalitan ng mensahe ang mga pulis gamit ang cellphone ni Nepa, doon natunton at nadakip din sa follow-up operation  ang kasabwat na tumatayong ‘tipster’ para sa pag-atake sa ipinapapatay.

Sa huli ay natuklasang positibong may itutumba na nagngangalang si Rodolfo Abierra, alyas “Bobot”, 62, ang mga suspect ito inimbitahan sa himpilan ng pulisya.

Depensa ng mga suspek, hoholdapin  lamang  nila ang biktima.

Show comments