Sangay ng LBC hinoldap, P20K kita natangay

MANILA, Philippines - Isang sangay ng LBC sa lungsod Quezon ang hinoldap ng nag-iisang suspect kung saan natangay ang may P20,000 cash, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ni PO3 Ronnie Ereneo ng Quezon City Police Station 7, ang hinoldap na tanggapan ng LBC ay matatagpuan sa Aurora, Brgy. E. Rodriguez sa lungsod.

Nangyari ang panghoholdap, ganap na alas-7:15 ng umaga, habang ang customer associate na itinago sa pangalang Marie ay nag-aasikaso ng mga dokumento sa loob nito.

Diumano, nagulat na lang si Marie nang biglang pumasok ang suspect na nakasuot ng kulay gray na jacket at naka-bagpack, saka tinutukan siya ng patalim at inutusan siyang buksan ang vault.

Dito na nilimas ng suspect ang laman ng vault na halagang P20,000, saka ipinasok si Marie sa loob ng toilet kung saan pinaghubad pa niya ito ng damit, bago tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments