P400-M shabu nasamsam sa Parañaque

Si Customs Anti Illegal Drugs Executive Officer Sherwin Andrada (kaliwa) habang iniinspeksyon ang may 40 kilos ng high grade shabu na nakuha sa bagahe ng water pumps galing Hong Kong. (Kuha ni Rudy Santos)

MANILA, Philippines – Timbog ang isang lalaki matapos makumpiska sa cargo nito ang nasa 40 kilo ng shabu na aabot sa halagang P400 million nang pinagsa­nib na puwersa ng PNP-Aviation Security Group at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOFT) at Parañaque City Police sa isang warehouse sa Paraña­que City, kahapon ng hapon.

Nasa custody na ngayon ng pulisya at iniimbestigahan na ang suspek na si Danilo Pineda, taga May­nila.

Nabatid kay Atty. Roque Merdeguia, ng PNP-AIDSOFT, ilang araw na nilang inaantabayanan kung sino ang kukuha ng 4 na kahon na bagahe na inilagay sa warehouse ng Peoples Air Cargo and Warehousing Company o pair cargo sa NAIA Avenue Parañaque City.

Alas-2:00 kahapon ng hapon nang dumating sa na­sabing lugar si Pineda upang i-claim ang apat na kahon na may lamang water pump, subalit nang ins­peksiyunin ng mga pulis, ito pala ay nagla­laman  ng droga.

Nabatid na bawat isang kahon ay may laman na water pump na kulay green at sa loob ng tangke o cylinder ng pump ay mayroon nakasiksik na maliit na kulay itim na bag na kung saan nakalagay ang shabu na umabot sa tig-sampung kilo.

Napag-alaman na ang na­­turang kontrabando ay du­­­mating sa bansa noong Dis­­yembre 28 mula sa Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight number TX-903.

Iginiit naman ni Pineda na hindi niya alam na may lamang shabu ang mga pi­nakuhang bagahe ng kanyang amo (hindi binanggit ang pangalan ng kanyang amo) na sinasabing matagal na umanong importer ng water pumps.

Show comments