MANILA, Philippines – Pantay-pantay sa batas.
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, matapos ang kanyang ginawang pag-aresto sa isang Sudanese na lumabag sa batas trapiko, naniko at nandura sa kanya noong Disyembre 30, 2014.
Kasong jaywalking, grave threat at assault to a person in authority ang isinampa sa Manila Prosecutors office laban kay Amro Aboud Hassan Etayeb, 23 at student pilot.
Matatandaang nagta-traffic si Moreno sa Pedro Gil corner Roxas Boulevard nang ilang ulit na tumawid si Etayeb. Pinalampas ni Moreno ang unang maling pagtawid nito subalit inulit ito ng ilang beses ng Sudanese.
Hindi pa nakuntento ay tumigil pa ito sa gitna ng kalye kaya napilitan si Moreno na lapitan ito para patabihin. Nabatid na lango sa alak ang nasabing Sudanese.
Subalit nagmatigas ito at siniko ang bise alkalde, may mga taga-Manila Traffic din na akma nitong sisipain at pagdating sa presinto dinuraan ng dayuhan si Moreno sa likuran.
“Professional, ordinaryo at maging mga government officials ay hinuhuli ko kaya kahit mga dayuhan ay dapat na hulihin kung lalabag sa batas”, ani Moreno.
Tanging ang maibibigay lamang nilang ayuda sa mga dayuhan ay ang kanilang seguridad at proteksiyon sa kanilang pananatili sa bansa.
Hindi umano dapat na abusuhin ng mga dayuhan ang pribilehiyo na ibinibigay sa kanila ng pamahalaan at sa halip ay kailangan ng mga ito na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa pamahalaan para na rin sa kanilang seguridad.