9-anyos hinalay ng preso sa NBP
MANILA, Philippines - Hindi pa man natatapos ang sunud-sunod na kontrobersiya sa New Bilibid Prison, nahaharap na naman ito sa panibagong iskandalo makaraang halayin ang 9-anyos na nene ng isang preso sa loob ng chapel ng maximum security compound habang ipinagdiriwang ang Bagong Taon kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Itinago sa pangalang Mira ang biktima na sinasabing dumalaw lamang sa kanyang ama na nakakulong sa nasabing bilangguan.
Samantala, inihiwalay na ng kulungan ang presong suspek na si Norvin Domingo na nakatakdang kasuhan.
Sa ulat na tinanggap ni Bureau of Correction (BuCor) Director Franklin Bucayu, naganap ang insidente sa loob ng Our Lady of Lourdes Chapel noong Huwebes ng hapon.
Nabatid na kasama ng bata ang kanyang ina at dumalaw lamang sa ama sa nasabing bilangguan.
Habang nagaganap ang party para sa Bagong Taon sa dormitoryo ng mga bilanggo, sumama ang biktima sa ilang anak din ng mga preso para maglaro.
Nagtataka ang mga magulang ng biktima dahil makalipas ang 10-minuto ay hindi pa bumabalik kaya ipinabigay-alam sa mga nakatalagang prison guard na nawawala ang bata.
Dito na nadiskubre na ginahasa ang dalagita sa loob ng naturang lugar kung saan umamin naman ang suspek kay NBP officer-in-charge Supt. Richard Schwarzkopf.
Ang suspek ay isa sa kasamahan sa selda ng ama ng biktima at inilagay na ito sa isolation area kung saan sasampahan ng kaukulang kaso. (Lordeth Bonilla)
- Latest