MANILA, Philippines – Onsehan sa droga ang tinitignang motibo ng mga awtoridad sa pamamaslang sa isang 27-anyos na lalaki na binaril nang malapitan, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Juharis Angas Kasan, tubong Maguindanao sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng baril sa ulo.
Nagsasagawa naman ng follow up operation ang pulisya upang matukoy ang nakatakas na suspek.
Lumilitaw sa ulat ni SPO4 Jonathan Bautista, naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi sa panulukan ng Asuncion at Zaragosa Sts. sa Tondo habang nakaupo sa pinapasadang tricycle si Kasan.
Inakala ng biktima na pasahero ang suspek kaya’t hindi na ito tumakbo, gayunman agad itong tinutukan ng baril at malapitang binaril sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Malaki ang paniwala ng pulisya na may kinalaman sa droga ang pamamaslang lalo pa’t ang lugar umano ay sinasabing bagsakan ng illegal drugs.