Ka-live-in na suspect nagtangkang mag-suicide misis inutas sa harap ng 5-anyos na anak

MANILA, Philippines – Pinatay muna sa saksak ng isang lalaki ang kanyang live-in partner bago ito nagtangka ring magpakamatay sa pama­magitan ng paglaslas sa leeg dahil sa ma­tinding selos sa harapan mismo ng kanilang 5-anyos na anak na lalaki sa Caloocan City ka­hapon ng umaga.

Dead on-the-spot sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Heidi Remamocha, 26, residente ng  Tamban St., Brgy. 18 ng na­sabing lungsod.

Inoobserbahan naman sa Caloocan City Medical Center  ang suspek na  si Nelson Mapag, 25, naninirahan din sa naturang lugar.

Ayon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police naganap ang insidente  alas-9:30 ng umaga sa loob ng tini­tirhan ng mag-live-in sa nabanggit na lugar.

Nabatid na unang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-live-in dahil umano sa pags­eselos ng suspect.

Sa kainitan ng pag-aaway ay kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima na nang du­guang humandusay ay saka naman naglaslas ng leeg ang una.

Naganap ang in­sidente mismo sa harapan ng limang taong gulang nilang anak na lalaki.

Agad namang sumaklolo ang mga kapit­bahay ng mag-live-in partner at agad na dinala sa nabanggit na paga­mutan si Mapag.

Nabatid pa sa mga kamag-anak ni Rema­mocha, na gumagamit umano ng illegal na droga si Mapag dahilan upang palaging mainit ang ulo nito at laging tamang hinala ito sa biktima.

Show comments