MANILA, Philippines – Hinikayat ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang mga taxpayers laluna yaong mga magre-renew ng kanilang business permits na bayaran agad ang obligasyon sa buwis ng mas maaga para makaiwas sa penalty at surcharges.
Sa ngayon, kahit holiday season, extended ang working hours ng lahat ng opisina sa QC hall na may kinalaman sa tax assessment at payments para sa January para maserbisyuhan ang mga magbabayad ng buwis .
Ayon kay City administrator Aldrin C. Cuña, ang first quarter deadline para sa pagbabayad ng business taxes at ibang mga bayarin sa buwis ng walang multa ay magtatapos sa January 20, 2015.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Bautista ang mga taxpayers na ang lahat ng treasury branches sa labas ng QC Hall ay bukas din para tumanggap ng tax payments.
Ani Cuña, ang lahat ng low-risk establishments na may gross sales value na P500,000 pababa tulad ng sari-sari stores at apartment lessors ay maaaring magbayad ng kanilang business taxes sa mga itinalagang treasury branches sa QC na matatagpuan sa Novaliches, La Loma, Cubao, Talipapa at Galas.
“Hopefully, with this reminder, we can maintain just a single line for those who will be settling their tax obligations with the city government,” pahayag ni Cuña. Sa kasalukuyan, ang QC ay may mahigit sa 60,000 registered business establishments.