2 totoy na ‘tulak’, timbog
MANILA, Philippines - Timbog sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya ang dalawang menor-na-edad na sinasabing ‘tulak’ ng droga sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Ang dalawa na itinago sa pangalang Alan at Albert, kapwa 15-anyos ay residente ng Road 3, Brgy. Tañong, Marikina.
Nabawi ng pulisya sa dalawa ang tatlong piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na sinasabing ipinagbabawal na gamot na nakalagay sa ‘ampaw’ o Chinese envelope.
Nabatid sa Marikina City Police na dakong alas-6:30 ng gabi nang makatanggap si Police Insp. Jerry Flores, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng impormasyon kaugnay sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga ng dalawang suspek sa Brgy. Tañong.
Agad na bumuo ng team si Flores at nagkunwaring buyer ng droga ang isa sa kanyang mga tauhan at aktong inaabot ng mga suspek ang droga noong sila ay arestuhin.
Dinala na ng mga awtoridad ang nakumpiskang tatlong sachet ng droga sa Eastern Police District (EPD) Crime Laboratory para isailalim sa examinations habang ang dalawang naaresto ay nasa custody na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
- Latest