Drugs, milyong cash, mamahaling alahas nasamsam Bilibid sorpresang sinalakay ng NBI

Ilan lamang ito sa mga cash na nasamsam sa isinagawang raid ng mga tauhan ng NBI, PNP at PDEA sa Bilibid kahapon. (Kiuha ni JOVEN CAGANDE)  

MANILA, Philippines - Sinalakay ng may 100 tauhan ng National Bureau of Investigation ang New Bilibid Prison kasama ang iba’t- ibang ahensiya ng pamahalaan kahapon.

Tila hindi naman makapaniwala si Justice Secretary Leila De Lima sa kanyang mga  nadiskubre nang magsagawa ng sorpresang  inspeksiyon kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Bukod sa pagkakasamsam sa mga hinihinalang shabu, nadatnan din nila ang mamahaling bathtub, sound system, air-conditioner system na pagmamay-ari ng isa sa mga convicted drug lord na nakakulong dito.

Ang pagsalakay ay bunsod na rin ng kanilang natanggap na report na patuloy ang transaksiyon ng mga drug lord na nakahiwalay sa piitan.

Isinagawa muna ang total lockdown  ng mga preso sa pagbisita ni De Lima.

Sa paghalughog ng awtoridad partikular sa room 20 ng building 2 na kulungan ni Peter Co, isa umano sa 19 na drug lords, tumambad ang hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Nadiskubre ring may CCTV camera sa kuwarto, broadband Internet, at iba pa. Mistula ring opisina ang lugar dahil may sari­ling mesa, carpet at entertainment set sa kuwarto o kubol nito.

May narekober ding dalawang pahina ng yellow paper na may listahan ng mga pangalan, petsa at perang nai-remit.

Ayon kay De Lima, pansamantalang ililipat ng kulungan ang 19 na drug lords at suspendido ang visiting privilege ng mga ito.

Iniimbestigahan na rin anya ang ilang opisyal ng NBP, bukod pa sa isang bilanggo na umano’y nahulihan ng P175,000 cash. Dahil dito, sinabi ni  De Lima na marami pang gugulong na ulo  ng mga NBP employees and officials. 

 

Show comments