MANILA, Philippines – Ipapatupad na sa lahat ng mga restaurant o kainan sa Quezon City na maisama sa kanilang menu ang paghahain ng masustansiyang brown rice.
Ito ay makaraang aprubahan ng QC Council ang panukalang resolusyon ni Councilor Estrella Valmocina na layuning mahikayat ang publiko na kumain ng brown rice upang higit na mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan laluna ng mga taga-lungsod mula sa pagkain ng masustansiyang kanin.
Sinasabing bago ito ay may nauna nang resolusyon na kahalintulad nito si Councilor Ramon Medalla na humihiling sa lahat ng major food establishments na maisama ang organic unpolished brown rice sa kanilang menu.
Ang naturang mga resolusyon ay alinsunod naman sa Presidential Proclamation No. 494 na nagdeklara noong taong 2013 bilang National Year of Rice (NYR). Ang proklamasyon para rito ay nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Oktubre ng nagdaang taon.
Base sa pag-aaral, ang pagkain ng unpolished brown rice ay may malaking tulong sa digestion at regular elimination ng body wastes.
Gusto rin ni QC Mayor Herbert Bautista na ipatupad ang pagpapakain ng brown rice sa mga QC health offices at mga paaralan sa lungsod upang sa pamamagitan ng NYR campaign ay maprotektahan ang kalusugan ng mga mag- aaral at health workers.