MANILA, Philippines - Isa na namang taxi driver ang nadakip matapos holdapin ang mga pasahero nito habang pinaghahanap pa ang dalawang kasabwat, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Victorio Duldulao Jr., 33, ng Brgy. 43 ng naturang lungsod.
Takot na takot namang nagtungo sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang biktimang si Jocelyn Alit.
Batay sa imbestigasyon, alas-2:20 ng madaling-araw nang maganap ang panghoholdap malapit sa NAIA Terminal-3 ng naturang lungsod.
Ayon kay Alit, kasama niya ang kanyang pamangkin na si Calyn Recto na sumakay sa taxi na minamaneho ng suspect na Val & Vangie Taxi (PYZ-465) sa naturang lugar at nagpapahatid sila sa Quezon City.
Habang binabagtas nila ang panulukan ng Andrew Avenue patungong Circulo Del Mundo, Pasay City ay biglang itinigil ng driver ang kanyang taxi sabay na sumakay ang dalawang kasabwat at agad na tinutukan ng patalim ang magtiyahin at nagpahayag ng holdap. Kinuha ng mga suspect ang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng P2,000.
Nang makuha ang pakay ng dalawang lalaki, sinabihan pa ang driver na ihinto ang taxi at bababa ang mga ito.
Pagbaba ng dalawang lalaki ay nagsisigaw na ang biktima hanggang sa namataan sila ng mga barangay tanod na naging dahilan upang maaresto ang driver.
Pagdating sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na isa sa dalawang lalaki na sumakay sa kanya ay isang barker na nakilala lamang na alyas Roy.
Kung kaya’t inilagay sa selda ng mga pulis ang suspek at nahaharap ito sa kasong paglabag sa illegal possession of deadly weapon matapos makumpiskahan ito ng isang mahabang patalim sa loob ng kanyang minamanehong taxi.