MANILA, Philippines – Patay ang isang 36-anyos na pedicab driver matapos umanong barilin ng mga tauhan ng Manila Police District-station 10, sa naganap na anti-criminality operation sa Pandacan, Maynila, kahapon ng umaga.
Namatay matapos ang isang oras sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Russel Biligan, at may live- in partner, at residente ng Kahilum II, Pandacan, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 9:19 ng umaga sa tupada na ginanap sa Plaza Guwapo, Kahilum II, Pandacan.
Nabatid na bago pa ideklarang patay ang biktima, personal na nagtungo sa MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) si Rochelle Cruz, live-in partner ng biktima, para ireklamo ang ginawang pamamaril sa biktima ng mga tauhan ng MPD-station 10, na pinamumunuan ni P/Supt. Froilan Uy.
Batay sa nakalap na impormasyon, sinabi ni Cruz na walang pang-itaas na damit si Bilingan nang habulin umano ng mga pulis sa loob ng tupada habang ito’y nanonood ng sabong.
Nabatid na ang mga nasabing operatiba din ang una nang nanggigil sa pagdakip sa mister kaugnay sa pagtutulak ng iligal na droga.
Sinabi ng dalawang batang lalaki na may edad 10 at 14, narinig nila ang dalawang warning shot na umalingawngaw at nang habulin at madakip na umano ang biktima ay hawak ito ng isa sa mga operatiba hanggang sa makita nilang bumagsak matapos tamaan ng bala.
Sa ulat ni Bautista, habang hawak ng isang pulis ang biktima sa kaliwang kamay na nakaikot sa leeg ay aksidente umanong pumutok ang baril ng pulis na tumama sa index finger ng biktima na tumagos sa kaliwang dibdib.
Nang bumagsak na ang biktima, isa sa walong pulis na may hawak na armalite ang sumigaw na ‘walang lalapit’ kaya tumagal pa ng lima hanggang 10 minuto ang lumipas bago umano nalapitan ng mga kaanak ang biktima.
“Nung nagsialisan na ‘yung mga pulis saka pa lang siya nalapitan at dinala na sa ospital,” ayun sa 14 anyos na testigo.