Billboards ititiklop

MANILA, Philippines - Iniutos na kahapon ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagtupi sa mga naglalakihang billboard bilang paghahanda sa bagyong si Ruby.

Ayon kay  MMDA Chairman Francis Tolentino,  inabisuhan na nila ang Outdoor Advertising Asso­ciation of the Philippines na iligpit na ang mga tarpaulin billboards.

Ito’y upang maiwasan ang anumang posibleng  disgrasya kahit pa aniya hindi naman direktang tatamaan ng bagyong Ruby ang Kalakhang Maynila.

Samantala, pinulong naman kahapon ni Pasay City Administrator at Disaster Risk Reduction Ma­nagement Office Atty. Dennis Acorda  ang kanilang mga tauhan para sa paglalatag nang paghahanda sakaling maapektuhan ang Metro Manila sa posibleng pananalasa ng bagyong Ruby.

Awtomatiko nilang ilalagay sa yellow alert ang lungsod sa oras na mag-land fall sa Samar ang bagyong Ruby ngayong Sabado ng umaga.

Sinabi pa ni Acorda,  na nasa 201 na barangay na nasasakupan ng lungsod ng Pasay ang  kanilang binabantayan, kabilang dito  ang  Maricaban, Malibay, Kalayaan, Villamor at Pildera, dahil ang mga residente rito ay nakatira malapit sa mga ilog.

Sinabi pa ng opisyal, ang lugar na pinagtayuan ng Tent City sa Villamor noong nakaraang taon na ginamit para sa mga residenteng lumikas mula sa Tacloban, Leyte ay maaari uling itayo sa oras na magkaroon muli ng paglilikas. (Lordeth Bonilla)

Show comments