Malawakang balasahan sa Bilibid, ikinasa
MANILA, Philippines – Aabot sa 1,000 prison guards ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang babalasahin matapos na mabulgar ang mga katiwalian dito na may kinalaman sa pagpupuslit ng mga kontrabando kasabwat ang ilang preso.
Ayon kay Supt. Robert Rabo, OIC ng NBP, ang mahigit 1,000 guard na babalasahin ay mula sa ranggong Prison Guard 1 hanggang superintendent.
Ang malawakang balasahan sa NBP ay sisimulan sa ikalawang linggo ng Disyembre.
Masasagasaan sa major reshuffle ay ang mga prison guard sa 1st, 2nd at 3rd shifts at hindi lamang sa NBP ito ipatutupad, kundi sa lahat ng bilangguan na nasa hurisdiksiyon ng BuCor.
Ayon pa kay Rabo, ang ipatutupad na major reshuffle sa naturang bilangguan ay isinumite na ni BuCor Director Franklin Bucayu kay Department Of Justice (DOJ) Secretary Leila Delima.
Matatandaan, na noong Sabado lamang, nakakuha ang mga awtoridad ng ilang ipinagbabawal na gamit sa NBP tulad ng signal boosters (11), booster chargers (4), aluminum outdoor antennas (46), plastic door antennas (14), wifi “My Bro”, wifi antennas (4), repeaters (9), power supply (7 units), rolyo ng electrical wires (5), splitter (1) at distributor (1).
Nakadiskubre rin ang limang pakete ng marijuana, na nakalagay sa LBC parcel.
- Latest