MANILA, Philippines - Isang pamilya, kabilang ang padre de pamilya na nanunungkulang barangay chairman ang nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa iligal na droga sa Pasay City, nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Atty. Eric Isidoro, hepe ng NBI-Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID) ang mga naarestong sina Brgy. Chairman Alejandro “Mork” Morales, maybahay nitong si Pilita at dalawang anak na sina Jamie at Morlita. Nadakip sila sa ginawang pagsalakay sa dalawang magkahiwalay na bahay sa Muñoz St., sa Pasay City sa bisa ng search warrants na inisyu ng Manila Regional Trial Court.
Nasa 60 ahente ng NBI na naka-full-battle gear ang nagsagawa ng operasyon.
Maimpluwensiya umano sa lugar ang suspek na si Mork dahil sa dami ng mga taong ginagamit nitong look-out, bukod pa sa inilagay na 32 surveillance camera na may sensors ang buong barangay na nasasakupan nito.
Lahat ng surveillance camera ay konektado at kontrolado umano sa 7-palapag na bahay ni Mork na madali nitong namomonitor.
Nabatid pa na ang ipinambili ng mga nasabing gadgets ay nagmula sa pondo ng pamahalaan.
May pagkakataon pa umanong si Mork ay nanghimasok sa police operation, kung saan pinakawalan nito ang nadakip na drug pusher at ang mismong pulis ang kanyang sinasaktan at hinahabol habang inaagaw ang huli nitong tao.