Buhay ng mga Manilenyo prayoridad sa pag-aalis ng oil depot
MANILA, Philippines – Mas binigyang halaga ng lungsod ng Maynila ang kapakanan ng mga Manilenyo na nakatira sa paligid kung kaya’t isinulong nila ang pagpapatanggal sa oil depot.
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno kasabay ng kanyang pahayag na itinuturing nilang isang malaking tagumpay ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagpapaalis sa tatlong malalaking kompanya ng langis.
Sinabi ni Moreno na matagal na nilang nais na matanggal ang “Big 3” subalit mas kinailangan nilang hintayin ang desisyon ng SC upang maging legal.
Giit ni Moreno, ang pananatili ng oil depot sa Pandacan ay patuloy na nagbibigay ng “clear and present danger” sa kaligtasan at buhay ng mga Manilenyo.
Binibigyan ng SC ng anim na buwan ang mga oil companies na lisanin ang Pandacan matapos na idineklara nito sa botong 10-2 na unconstitutional at invalid ang Manila City Ordinance No. 8187 na pinapayagan na manatili ang oil terminals.
Sinabi ni Moreno na sapat na ang naibigay ng city government na panahon sa mga oil companies upang makahanap ng kanilang malilipatan.
Sa katunayan umano ang Chevron (Caltex) ay nakalipat na simula pa Hunyo habang ang Petron naman ay nagpahayag ng kahandaan sa paglilpat kung saan unti-unti na nila itong ginagawa.
Dahil dito wala naman umanong nakikitang dahilan at balakid para hindi matuloy ang pagpapatupad ng ordinansa. Suportado din ni Moreno ang pahayag ni Manila Mayor Joseph Estrada na makapag-ge-generate ng bagong mga investments at oportunidad para sa kamaynilaan ang Pandacan.
- Latest