MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na mag-ingat sa tinaguriang “Pitas Gang” na ngayon ay aktibong kumikilos sa mga lansangan sa Metro Manila.
Ayon sa pamunuan, partikular na target ng grupo ang mga mananakay ng mga bus na patungo ng probinsya at siyudad, mga jeepney at mga tricycle na biglaan na lamang hinahablutan ng kanilang mga gamit, tulad ng hikaw, relos, singsing, bracelet, cellphone, o handbag.?
Karaniwang tina-target ng grupo ang mga mananakay na malapit sa bintana ng mga sasakyan, saka kukuha ng tiyempo sa sandaling makakita ng pagkakataon.
Naging aktibo anya ang grupo lalo ngayong nalalapit na naman ang Pasko at Bagong Taon kung saan nangangailangan ang mga ito ng pera para panggastos.?
Kaya naman, bilang pag-iingat, pinaalalahanan ng PNP ang publiko lalo na ang mga mamimili sa mga malls na huwag na lang magdala ng mga alahas o mamahaling gamit na maaring makapag-akit sa mata ng mga nasabing masasamang loob.