MANILA, Philippines – Patay ang isang estudyante matapos itong saksakin ng umano’y dalawa ring estudyante ng Central Escolar University (CEU) dahil lamang sa dati nilang away noong high school pa lamang sa loob ng isang resto bar, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Dead-on-arrival sa Makati Medical Center (MMC) ang biktimang si Emmanuel Dorado, 28, ng Rockefeller St., Brgy. San Isidro ng naturang lungsod, 1st year college sa Asian Business Education (ABE) sanhi ng tinamong malalim na saksak sa dibdib.
Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na nakilalang sina Tristan Venavidez at isang alyas Niko, kapwa estudyante ng CEU.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-11:32 ng gabi sa loob ng isang resto bar na matatagpuan sa Malugay St., Brgy. San Antonio Village ng naturang siyudad.
Nabatid na kasama ng mga suspek na nakasuot pa ng CEU uniform ang ilan nilang kaibigan at nag-iinuman sa loob ng naturang bar, gayundin ang biktima na kasama rin nito ang ilang kaibigan.
Dahil pawang nakainom ang mga suspek, namataan nila ang biktima at dito naungkat ang dati nilang alitan hanggang sa nagkaroon ng komosyon ang magkabilang panig.
Sa kainitan ng away, kumuha ng patalim ang mga suspek at inundayan ng saksak ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas sina Venavidez at alyas Niko habang ang biktima naman ay dali-daling dinala ng ilang taong naroroon sa nabanggit na ospital, subalit hindi na umabot pang buhay.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, may dating alitan ang isa sa suspek na si Venavidez at biktima noong sila ay nasa high school pa lamang kung saan muling nag-krus ang kanilang landas at lalong uminit ang galit sa isa’t isa.