Anomalya sa RAC MSWD handa sa imbestigasyon
MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ng Manila Social Welfare Department ng Manila City Hall na handa silang sumailalim sa anumang imbestigasyon bunsod na rin umano ng mga sinasabing katiwalian sa loob ng Reception and Action Center(RAC).
Ayon kay MSWD chief Honey Lacuna-Pangan, wala silang itinatagong anomalya sa RAC kaya’t malaya ang lahat na siyasatin ang kanilang tanggapan.
Pinabulaanan din nito na may nangyayaring pagmamaltrato, kalaswaan at katiwalian sa RAC dahil ang lahat ng dinadala dito ay nakarecord.
Hindi umano nila alam kung saan bahagi ng RAC kinunan si “Federico” kung saan nakita itong nakahubad at buto’t balat na.
Paglilinaw ni Lacuna-Pangan, maayos na nakakalakad si “Federico” matapos na makitang nakapost ang larawan nito.
Nagtataka lamang din si Lacuna-Pangan kung bakit nagiging malaking isyu kung sila ang sumasagip sa mga street children.
Aniya, nakakalungkot lamang umano ang trato ng ibang sector na kung ang MSWD-RAC ang kukuha sa mga street children, tinatawag umano itong ‘pag-aresto’ samantalang kung ibang non government organization tinatawag nila itong ‘pagsagip’.
Sinabi ni Lacuna-Pangan na ginagawa ng MSWD ang lahat upang makuha ang mga batang lansangan at mabigyan ng maayos na kinabukasan subalit kailangan din ang tulong ng national government at ibang NGOs lalo na ng kanilang mga pamilya.
- Latest