Duelo: 2 preso dedo
MANILA, Philippines – Kapwa patay ang dalawang preso matapos mag-away dahil lamang sa utang kamakalawa ng hapon sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.
Kinilala ni NBP Officer-In-Charge (OIC), Supt. Robert Rabo ang inmate na si Henrico Maglasang, nakulong noong 2001 dahil sa kasong robbery with homicide at nagtamo ng apat na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at si Arisedes Lucero, nakulong noong 2010 dahil sa kasong murder, nagtamo naman ito ng mga palo at suntok sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos itong kuyugin ng kapwa rin nito mga preso.
Samantala, 120 inmates ang iniimbestigahan ngayon para malaman kung sinu-sino ang mga responsable sa kamatayan ni Lucero at sasampahan ang mga ito ng mga kaukulang kaso.
Ayon kay Rabo, naganap ang insidente ala-1:30 ng hapon sa selda 13 C ng naturang bilangguan, nabatid na kapwa miyembro ng “Batang Cebu Gang” sina Maglasang at Lucero. Siningil umano ni Maglasang si Lucero dahil may utang ito, subalit ayaw magbayad ng huli dahil katwiran nito ay wala siyang pera.
Hanggang sa nagtalo ang dalawa at sa kainitan ng kanilang pag-aaway ay kumuha ng patalim si Lucero at pinagsasaksak nito si Maglasang.
Samantala, bilang ganti, pinagtulungan namang gulpihin at pagpapaluin si Lucero ng mga kapwa nito preso.
Sa ngayon ay sinasailalim na sa autopsy ang dalawa at patuloy pa ring iniimbestigahan ng pamunuan ng NBP ang insidente.
- Latest