Onsehan sa partihan, 2 holdaper itinumba ng kasamahan

Ang dalawang umano’y mga holdaper na pinaniniwalaang itinumba ng kanilang kasamahan matapos magkaroon ng onsehan sa hatian sa kanilang mga nakulimbat, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines – Hinihinalang onsehan sa partihan sa kanilang mga nakulimbat ang dahilan ng pamamaslang sa dalawang holdaper na maaaring kagagawan rin ng isa nilang kasamahan, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nagtamo ng mga tama ng bala buhat sa ka­libre .9mm pistol at 12 gauge shotgun sina Eric Bau­tista, 34; at Victor Magat, 42, kapwa­ naninirahan sa Phase 1 Package 3 Block 63 Lot 5, Brgy. Bagong Silang, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ang ikatlong kasamahan ng mga ito na nakilala lamang sa alyas “Banong”.

Sa ulat na ipinarating kay Caloocan Police Chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante, natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa loob ng tinitirhang bahay ng mga ito.

Sa imbestigasyon, nabatid na unang hinoldap ng tatlong suspek ang isang Janice Santos, 25, sales lady, dakong alas-10 ng gabi habang naglalakad siya pauwi sa may Bagong Silang main road sa Phase 1. Tinangay ng mga holdaper ang kanyang cellular phone at pera na aabot lamang sa halagang P350. Agad na tumakas ang tatlo­ tungo sa direksyon ng Phase 1 Package 3.

Ilang minuto ang nakalipas, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingaw­ngaw sa naturang lugar­.  Sa pagresponde ng mga ta­uhan ng Police Community Precinct 3, nadiskubre ang bangkay nina Bautista at Magat.

Isang saksi naman ang nagsabi na nakita niya si alyas Banong na nang­galing sa lugar ng krimen na nagmamadali.  Ang bahay umano ng mga nasawi ay ginagamit na kuta at lugar ng partihan ng mga holdaper sa kanilang lugar.

Show comments