MANILA, Philippines - Bumawi na ang mga kompanya ng langis matapos ang anim na sunod-sunod na rollback, makaraang ipatupad kahapon ang pagtaas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo.
Nabatid, na sabay-sabay na nag-abiso ang Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron Philippines hinggil sa taas presyo ng kanilang produkto. Nasa P0.20 kada litro ang itinaas sa presyo ng gasolina, P0.25 sa diesel at P0.30 naman sa kerosene na epektibo kahapon ng alas-6:00 ng umaga.
Kaagad namang sumunod ang PPT Philippines, Phoenix Petroleum at Total na kahalintulad din ng halaga.
Ayon kina Petron Strategic Communications Manager Raffy Ledesma, Toby Nebrida ng Pilipinas Shell at Ning Ignacio, ng Chevron Philippines, ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa paggalaw ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.