Holdaper na de-sasakyan, muling sumalakay
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Quezon City Police District (QCPD) sa publiko na mag-ingat lalo ngayong malapit na ang holiday seasons laban sa holdaper na gumagamit ng sasakyan na gumagala ngayon sa lungsod.
Ayon kay PO3 Gerald Maravilla, desk officer ng QCPD Station 10, paalala nila ito sa publiko lalo na sa mga naglalakad ng mag-isa sa kalye upang hindi matulad sa isang biktima na nakilalang si Cindy Mangaya, 25, project evaluation officer na nabiktima ng naturang modus operandi.
Nangyari ang insidente sa may Samar at Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, ganap na alas -6:15 ng umaga.
Sabi ni Mangaya, naglalakad siya sa nasabing lugar papasok ng trabaho nang mapansin niya ang isang kulay gray na Toyota Innova na nakabukas ang bintana at nakaparada sa nasabing lugar. Pagkalampas niya sa nasabing sasakyan, bigla umanong bumaba ang driver ng Innova at tinutukan siya ng baril saka nagdeklara ng holdap, bago puwersahang kinuha ang kanyang dalang bag.
Tinangka pa ng biktima na manlaban pero tinutukan siya ng baril kaya hinayaan na lamang ang suspek na matangay ang kanyang bag na may lamang P2,000 cash, dalawang cellphone at ATM card. Tumakas ang suspek sakay ng Toyota Innova patungo sa direksyon ng EDSA.
Samantala, ang insidente ay nakunan naman ng CCTV ng Brgy. South Triangle at umano’y nakitang may plakang 8 sa harapan ng Innova.
Sabi ni Maravilla, kailangang doblehin ng publiko ang kanilang pag-iingat at maging mapagmasid sa kapaligiran lalo ngayong ilang beses nang nakapambibiktima ang driver ng naturang sasakyan.
- Latest