Motorsiklo sumalpok: Sundalo, 1 pa tigok

MANILA, Philippines – Patay ang isang sundalo at angkas nito makaraang sumalpok sa center island ang sinasakyan nilang motor­siklo sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Marlon Manrubang, 24, ng Philippine Army at Kazey Orio, 29, binata.

Nabatid kay SPO2 Rizal Pichayo, imbestigador ng Marikina City Traffic Bureau, ang insidente ay naganap dakong alas-8:30 ng gabi sa tulay ng Macapagal, Brgy. Industrial Valley Complex sa lungsod.

Ayon sa report, magka-angkas ang dalawa sa motorsiklo na may plakang 6993-NY at binabagtas ang north-bound lane ng tulay ng Macapagal nang mawalan ng kontrol sa manibela si Manrubang hanggang sa sumalpok sa center island.

Sinasabing kapwa tumi­lapon ng ilang metro ang layo ang dalawa at bumagsak ang kanilang ulo sa sementadong tulay. Agad naman sinaklolohan ng mga nakakitang motorista ang dalawa at mabilis na isinugod sa Amang Ro­driguez Memorial Medical Center pero binawian din sila ng buhay.

Show comments