Mister sugatan sa tarak

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 27-anyos na mister nang saksakin ito ng isa sa dalawang hindi kilalang lalaki  habang naglalakad ang una kahapon sa Pasay City.

Ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Eugene Bejogan, Derham Park, F.B. Harrison St. ng naturang lungsod, nagtamo ito ng saksak sa balikat.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na nasa 20 hanggang 22-anyos ang mga edad at nagsasagawa pa ng follow-up hinggil sa insidente.

Sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-3:45 ng madaling-araw sa harapan ng LBC, F.B. Harrison St. ng naturang lungsod.

Habang naglalakad ang biktima pauwi ng kanilang bahay, nakatambay ang dalawang suspek at biglang lumapit ang mga ito sa naglalakad na si Bejogan.

Bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek at inundayan ng saksak ang biktima at kahit duguan ay nagawa pa nitong makatakbo.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala ng ilang taong nagmamalasakit sa naturang ospital. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo nang pananaksak. (Lordeth Bonilla)

Show comments