Nag-amok dedo sa pulis
MANILA, Philippines - Napatay ang isang lalaking nag-amok matapos itong mabaril ng pulis sa Barangay Veinte Reales sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang napatay na si Anselmo Lucenda Jr. habang sumuko naman ang nakabaril na si SPO3 Armando Iguban Delima, 45, nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa nasabing lungsod.
Nasa ligtas namang kalagayan ang mga sinaksak ni Lucenda na sina Dennis Ysmael, 49, traffic enforcer; at Danilo Fanilara, 39, tricycle driver.
Sa nakalap na impormasyon kay P/Senior Supt. Rhoderick Armamento, hepe ng Valenzuela City PNP, naganap ang insidente bandang alas-3 ng hapon kung saan biglang nag-amok si Lucenda gamit ang paet na kanyang inagaw kay Danilo Macaya habang ito ay gumagawa ng pinto sa kahabaan ng T. Santiago Street.
Sinaksak ni Lucenda sina Ysmael at Fanilara kung saan namataan naman ni SPO3 Delima ang insidente.
Tinangkang payapain sa pag-aamok si Lucenda subalit nagawa nitong makipagbuno sa pulis hanggang sa pumutok ang baril.
Naisugod sa ospital si Lucenda subalit namatay din habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest