MANILA, Philippines - Lasog ang katawan, durog ang ulo at labas ang utak ng isang 49 -anyos na lalaki na sinadya umanong salubungin ang higanteng 16-wheeler truck at magpasagasa sa panulukan ng Zaragosa at Delpan Sts., sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit ang biktimang si Amelito Laurito, alyas Bulldog, ng B. San Bernardo St., Tondo, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas- 8:30 ng gabi nang nakita ang biktima na sinalubong ang truck na may kargang container van at kusang nagpasagasa.
May nakapagsabi din na isang kakilala na niyaya umanong kumain ang biktima subalit tumanggi ito at nagsabing ‘mamamatay na siya’.
Hinihinalang ‘adik’ ang biktima dahil nagsasalita umano ito na may papatay sa kaniya bukod pa sa problema sa karelasyon.