MANILA, Philippines - Isang 35-anyos na mister ang binaril ng hindi pa nakikilalang lalaki sa San Juan City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Bobby Cortez, residente ng Tuberias St., Brgy. San Perfecto, San Juan City na namatay noon din bunsod ng isang tama ng bala sa ulo.
Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa harapan ng bahay ng biktima sa Tuberias St., San Juan City.
Nagpapahangin umano ang biktima nang lapitan ng hindi pa nakikilalang lalaki at saka malapitang binaril sa ulo. Matapos ang krimen ay mabilis tumakas ang salarin.
Nakarekober naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang basyo ng bala ng isang kalibre .45 baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen at kung ano ang motibo sa pamamaslang. (Mer Layson)