MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na babae na nagpanggap na lalaki sa Facebook ang dinakip ng pulisya matapos na inireklamo ng kanyang “nobya” dahil sa pangingikil sa kanya kapalit ng hubad niyang larawan na ipo-post sa Facebook .
Kinilala ang suspek na si Diana Lyn Callao Cuevas alias Yza at Lee Andrei Inigo Santillan na kanyang ginagamit sa kanyang Viber at Facebook account at residente ng 555 Kapitan Maria, Malvar, Batangas.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay dahil sa reklamo ni “Gina” di tunay na pangalan ng Valenzuela City.
Sa report ni PO3 Jayjay Jacob ng Manila Police District (MPD)-General Assignment and Investigation Section (GAIS), dakong 3:00 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa loob ng Happy Lemon sa ikalawang palapag ng isang mall sa Maynila bunsod na rin ng reklamo ni “Gina”.
Sa salaysay ng biktima sa MPD-Children and Womens Desk, nakilala niya ang suspek na nagpakilalang isang lalaki sa FB at Viber. Ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi sa panliligaw ng “lalaki” hanggang naging nobya siya nito na humantong sa “on-line sex” at nakunan ng larawan ang biktima na walang saplot sa katawan.
Nagpatuloy ang relasyon ng dalawa at nagpalitan pa umano ng regalo kung saan inihahatid pa ni Cuevas sa bahay ng biktima ang regalo na umano’y nanggaling kay Santillan.
Subalit, Oktubre 13, nagsimula nang i-black mail ng suspek ang biktima at tinakot na kung hindi siya bibigyan ng mamahaling sapatos at pera ay ipo-post nito ang kanyang hubad na larawan sa FB.
Nagpasya ang dalawa na magkita sa mall para ibigay ng biktima ang hinihingi ng suspek na P20,000 kapalit ng mga hubad niyang larawan, subalit sa aktong tinatanggap ng suspek ang “marked money” ay inaresto ito.
Dito na natuklasan na ang suspek at ang nobyo nitong si Santillan ay iisang tao lamang. Tumanggi naman ang suspek na magsalita hinggil sa akusayson ng biktima.
Kasong robbery extortion at grave threat ang inihahandang kaso laban sa suspek.