MANILA, Philippines - Arestado at bugbog-sarado ang isang lalaki matapos pasukin at tangkaing i-hostage ang isang pamilya sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Nakakulong ngayon sa Caloocan City Police detention cell habang nagpapagaling ng kanyang bukol at pasa sa katawan si Rodel Redoblado, 35, ng Salaysalay St., Dagat-dagatan ng lungsod.
Sa report na natanggap ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-10:30 ng umaga, bumaba ang suspek sa sinakyan nitong jeepney sa San Miguel St., Sangandaan ng naturang lungsod kung saan sinasabi nitong hinahabol siya ng hindi kilalang lalaki na may dalang baril.
Agad na pumasok sa isang bahay ang suspect kung saan nandoon ang mga biktimang sina Jomar Candidato; Rose Gueta at 3-anyos na anak nito.
Isinara ng suspek ang pinto bago naghalughog ng patalim sa loob ng bahay ang suspect kung saan napansin ng ilang kapitbahay ang kaguluhan na naging dahilan upang itawag ito kay Chairman Maricel Enrile ng Barangay 4 at mabilis namang rumisponde ang mga tanod.
Hindi na nakapalag ang suspek nang pagtulungan ito ng mga tanod at nang mailabas ay binugbog naman ito ng mga residente bago dinala sa presinto.
Sinabi naman ng suspek na wala siyang intensiyon na i-hostage ang mga tao sa bahay at tanging patalim lang ang pakay niya upang maipagtanggol ang sarili sa lalaking humabol umano sa kanya.