Mister dinedo ng kaalitang kapitbahay
MANILA, Philippines - Pinatay sa saksak ang isang mister ng kanyang kapitbahay dahil sa matagal ng alitan, kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.
Dead-on-arrival sa Las Piñas District Hospital ang biktimang Ricardo Misa, 50, ng Sunshine Villa, Brgy. Talon 2 ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong dalawang malalim na saksak sa tiyan at dibdib.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Nestor Asuncion, 50, ng naturang lugar.
Base sa isinumiteng report kay Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-12:30 ng madaling-araw sa labas ng bahay ng biktima sa naturang lugar.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Norma Estigoy, 50, nagkukuwentuhan sila nang dumating ang suspek na nasa impluwensiya ng alak. Dito ay pinagmumura ng suspek ang biktima, subalit hindi naman nito pinansin ng huli.
Dahil sa pandededma, kumuha ng patalim ang suspect at walang salitang pinagsasaksak ang biktima hanggang sa duguan itong bumulagta. Ang suspek naman ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen. Nalaman ng pulisya na may matagal nang alitan ang dalawa.(Lordeth Bonilla)
- Latest