MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang isang babae na hinihinalang big-time drug trafficker kasunod ng pagkakasamsam sa tatlong kilo ng shabu sa isinagawang anti-drug operation sa Ermita sa Maynila, kamakalawa ng gabi. Dakong alas-11:45 ng gabi ng isagawa ang operasyon sa kahabaan ng Agoncillo St. sa Malate.
Sa pagtaya ng mga opisyal ang nasamsam na shabu ay tinatayang nagkakahalaga ng P18 milyon.
Isang kahinahilang sasakyan ang hinarang ng pinagsanib na elemento ng PNP-Task Force Tugis at ng PNP Highway Patrol Group at mula dito ay nakuha ang tatlong kilo ng shabu.
Arestado rin sa operasyon ang isang 30-anyos na si Sheila Adam Somar.
Sa pahayag naman ng nasabing babae, wala siyang alam sa nakumpiskang droga sa nasabing behikulo at pinuwersa lamang umano siyang sumakay dito ng hindi pa nakilalang mga kalalakihan matapos na maispatan ng mobile car ng pulisya.
Ayon pa sa mga opisyal, kasalukuyan na ring inaalam ang posibleng ugnayan ng nasabing babae sa sindikato ng illegal na droga sa lungsod ng Maynila at mga karatig lalawigan.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa sindikatong nasa likod ng nasabing transaksyon ng droga.