MANILA, Philippines – Isang aircon bus na may sakay na pitong pasahero ang hinoldap ng dalawang armadong lalaki na nagpaputok pa ng dalawang beses bilang panakot, kahapon ng madaling-araw sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat ni PO2 Jonald Onera ng Quezon City Police Station 10, alas-12 ng madaling-araw nang holdapin ng mga suspek ang Taguig Metrolink bus (UYA-664) na minamaneho ng isang Wildredo Guttierez sa kahabaan ng East Avenue Extension, partikular sa harap ng Banko Sentral ng Pilipinas.
Sabi ng konduktor na si Erwin Dumalag, galing umano sila sa kanilang term?inal sa Fairview at bumibiyahe patungong Ayala nang pagsapit sa Commonwealth market ay sumakay ang pitong pasahero kasama ang dalawang suspek.
Pagsapit sa natunang lugar, biglang nagpaputok ng baril sa ibaba ang isa sa mga suspek, bago nagdeklara ng holdap at sinimulang limasin ang gamit at pera ng mga pasahero.
Nang makuha ang kanilang pakay, bago tuluyang bumaba ay muling nagpaputok ng baril sa ibaba ang suspek, bilang panakot.
Sa puntong ito nagpasya ang driver ng bus na dumiretso na lang sa nasabing himpilan para humingi ng tulong.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa naturang insidente.