MANILA, Philippines – Nagsasagawa ng manhunt operation ang Manila Police District (MPD) sa mga taong nagpakilalang kawani ng Bureau of Customs (BoC) kaugnay sa mga ulat na ‘scam’ o panlilinlang sa publiko gamit ang modus operandi na murang halaga ng mga imported mobiles, gadgets at computers na mabibili sa murang halaga.
Kahapon ng hapon nang maghain ng pormal na reklamo ang isang computer programmer na tumangging magpakilala, kaugnay sa natangay sa kanyang P120,000 cash ng tatlong lalaki sa Ermita, Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section, Oktubre 10 (Biyernes) nang makilala ng biktima ang mga suspek na sina Christopher Chaves, na umano’y checker sa BoC; Eduardo Mendoza, na umano’y isa namang Customs collector at ang isang nagpakilala lamang sa alyas Manuel.
Aminado ang biktima na dahil lamang sa nakita niya sa ads sa internet (Sulit.com) ang ibinebentang murang sasakyan na Honda Civic model 2013 at sa pagka-interesado ay nakipagkita siya sa mga suspek.
Sa presyong P400,000 ay naibaba pa umano sa P350,000 hanggang sa magdesisyon na lamang na huwag nang kunin dahil duda sa presyo nito. Sa halip, ang mga murang cellphone at laptop na lamang ang kaniyang inorder sa mga suspek sa presyong P120,000.
Oktubre 11, kahapon ang pinagkasunduang transaksiyon subalit bigong makuha ng biktima ang 4 unit ng Apple laptop; at 2 unit ng Samsung S5 na cellphone. Inakala ng biktima na makukuha ang order nang sunduin siya ng alyas Manuel sa tapat ng isang hotel at sabay silang nagtungo sa tanggapan ng BoC bandang alas-2:30 ng hapon kahapon.
Naghintay ang biktima sa labas ng isang opisina matapos ibigay kay Manuel ang P120,000 at sinabihan siya na 5 minuto ay magagawa na ang dokumento para mailabas ang kaniyang order.
Nagulat umano siya nang makita niya ang suspek na si Manuel at si Chaves na magka-angkas na sa motorsiklo at humarurot papaalis ng BoC.
Nang tawagan niya ay nakapatay na o "cannot be reach" na ang cellphone ng mga ka-transaksiyon.