P1-B pekeng imported bags, nasamsam

Ang mga nakumpiskang pekeng bags sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng PNP-CIDG at BoC sa  warehouses sa Binondo, Maynila. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Umiskor ang  mga ta­uhan ng law enforcement agencies kasunod ng pagkakasamsam sa mga pekeng imported na mga bags na nagkaka­halaga ng P1 bilyon sa  serye ng raid sa walong bodega sa Bi­nondo, Maynila nitong Biyernes.

Sinabi ni  Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Anti Fraud Commercial Crimes Unit ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (AFCCU-PNP-CIDG), ang raid ay kasunod ng ipinalabas na warrant of seizure ng Bureau of Customs (BOC).

“We conducted the raid after a case buildup on the reported counterfeit luxury bags and wallets being kept  on the 8 warehouses by unscrupulous traders,” ani Bustamante.

Bandang alas-11 ng umaga, ayon kay Bustamante nang isagawa ng pinagsanib na elemento ng AFPCCU-PNP-CIDG), BOC, National Bureau of Investigation (NBI) at Intellectual Property Office of the Philippines (IPPO) ang raid sa 8 bodega na mata­tagpuan sa Alvarado Street, Binondo, Manila.

Sinabi ni Bustamante na maging siya ay nagulat sa bultu-bulto ng mga pekeng luxury bags at wallets na nakatago sa nasabing mga bodega.

Kabilang sa mga nasamsam na pinekeng ma­mahaling mga bags at wallet­ ay Hermes, Louis Vuitton, Prada, Michael Kors at iba pa.

Sinasabing ibinabagsak sa Quiapo, Divisoria at iba pang dinarayong mga pamilihan sa Metro Manila ang nakumpiskang mga pekeng imported na mga bags na gawang China.

Arestado  naman sa ope­rasyon, ayon naman kay Chief Inspector Eliza­beth Jasmin, Spokes­person ng PNP-CIDG ang ilang kataong inabutan ng mga operatiba sa na­sabing raid.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kri­minal laban sa mga nasakoteng suspek.

Show comments