MANILA, Philippines – Kinansela ang pasok ng mga estudyante at empleyado sa San Beda College matapos na makatanggap ng text message ang isang empleyado kahapon ng tanghali na may nakatanim na bomba sa nabanggit na paaralan.
Dahil dito, agad na tumawag ang unibersidad ng responde mula sa mga tauhan ng MPD-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD) kung saan bitbit ang K-9-dog ininspeksyon ang paligid ng kolehiyo bandang 12:20 ng tanghali.
Sinabi rin ng San Beda Law Student Government sa kanilang twitter account na “no class and work for the rest of the day”.
Batay sa ulat isang empleyado ang nakatanggap umano ng text message buhat umano sa isang magulang na may sasabog na bomba sa loob ng campus dahil sa kanyang galit dahil pinatalsik sa paaralan ang kanyang anak.
Nagnegatibo naman sa bomba ang paligid ng unibersidad matapos ang isinagawang inspeksiyon, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon kung sino ang sangkot sa naturang pananakot.