Fastfood crew nakuryente dedo

MANILA, Philippines - Isang lalaking service crew ang patay makaraang aksidenteng makuryente habang naglilinis sa loob ng pinaglilingkurang fastfood chain sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Alfredo Sero, 20, residente ng Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.

Ayon sa ulat ni SPO2 Cris Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may isang fastfood chain  na mata­tagpuan sa ground floor ng isang Mall sa lungsod, ganap na alas 11:15 ng gabi.

Naglilinis ang biktima at ang kanyang kasamang si Remar Ricarte nang aksidente umanong mahawakan nito ang isang equipment na ginagamit sa loob at makuryente.

Sa pagbagsak ng biktima ay agad na humingi ng tulong ang kasamahan nito sa kanilang branch mana­ger at itinakbo ang una sa Saint Lukes hospital, subalit makalipas ang alas- 4:40 ng madaling araw ay idineklara rin itong patay.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments