MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit P500 milyong halaga ng mga peke at smuggled na produkto ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa serye ng operasyon sa Tondo nitong Huwebes at Biyernes.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, magkakasunod na isinagawa ang raid matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa pag-iimbak ng bultu-bulto ng mga peke at mga smuggled na sari-saring mga produkto.
Ang raid ay isinagawa ng Anti –Fraud and Commercial Crimes Unit ng CIDG sa pamumuno ni Senior Supt. Bartolome Bustamante katuwang ang mga kinatawan ng Intellectual Property Rights Office (IPRO) , Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigations sa bisa ng warrant seizure and detention na inisyu ng BOC kaugnay ng paglabag sa Customs Tariff Code.
Bandang alas-10:30 ng umaga nitong Biyernes ng i-raid ang 7 malalaking bodega sa No.1613 Rivera St., Tondo, Manila.
Nasamsam sa operasyon ang bultu-bulto ng mga smuggled goods na kinabibilangan ng mga batteries, kiddie products, steel buttons, iba’t ibang brand ng mga pabango at iba pang produkto.
Wala naman sa lugar si Bobby Teng, Operations Manager ng sinalakay na mga bodega na pinag-iimbakan ng mga pinekeng produkto ng isagawa ang raid .
Bago ito ay sinalakay rin ng mga operatiba, dakong alas-4 ng hapon nitong Huwebes ang malaking bodega sa La Torre Street, Tondo at nakumpiska naman ang libu-libong mga pekeng seasoning products.
Sinabi ni Magalong na aabot sa mahigit P500M ang halaga ng mga nasamsam na pekeng produkto na mga pineke.