MANILA, Philippines – Isang negosyante ang nasawi habang nadamay naman sa ligaw na bala ang isang kostumer nito makaraang pagbabarilin ang una ng riding in tandem sa Brgy. Payatas, lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Francisco Ceras, 52, ng Kasunduan Extension, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ginagamot naman sa ospital ang sugatang si Reymundo Fuggan, 56, ng Pook, Pagasa Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon kay SPO2 Jimmy Jimena, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng IBP Road, Brgy. Payatas, ganap na alas- 4:15 ng madaling araw.
Ayon sa isang testigo una niyang narinig ang tatlong sunod na putok ng baril. Nang kanyang tignan ay nakita niya ang dalawang lalaki na mabilis na sumakay sa isang motorsiklo at sumibat papalayo sa lugar. Ilang hakbang ang layo mula dito ay nakita naman niya si Ceras na nakadapa sa semento sa harap mismo ng kanyang tindahan ng buko.
Habang si Fuggan na bumibili naman ng buko sa biktima ay tinamaan din ng ligaw na bala sa kaliwang binti.
Agad namang itinakbo ng ilang residente sa FEU hospital ang mga biktima para magamot, subalit si Ceras ay idineklarang patay, ganap na alas- 5:22 ng madaling-araw.
Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaril kay Ceras na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang tagiliran ng kanyang katawan.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.