MANILA, Philippines - Aabot sa P20,000 cash ang nilimas matapos holdapin ng riding-in-tandem gunmen ang isang gasolinahan sa kahabaan ng East Avenue, Barangay Pinyahan, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City PNP District Station 10, bandang alas-8:15 ng gabi nang nagpanggap na kostumer ang tandem na magpapakarga ng gasolina.
Habang kinakargahan ang motorsiklo, bumaba naman ang angkas ng rider at nagtungo sa kahera sabay tutok ng baril saka nagdeklara ng holdap. Nang makuha ang malaking halaga ay mabilis na umangkas sa motorsiklo ang backrider saka sumibat papalayo sa nasabing gasolinahan.
Ilang bystander ang nakapuna sa insidente kaya tinangka nilang habulin ang tandem subalit pinaputukan sila hanggang sa makalayo sa crime scene.