MANILA, Philippines - Patay ang isang wanted na lider ng isang notoryus na gun-for-hire gang at isang pulis, habang isa pa sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasugatan matapos na mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa una kahapon ng umaga sa Navotas City.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ang napatay na suspect na si Raymond Mangali, lider ng ‘Mangali gun-for-hire group’ na nag-ooperate sa Brgy. Tanza, Navotas City.
Ayon kay Magalong si Mangali ay nasa listahan ng mga most wanted criminals sa National Capital Region, No. 3 sa Camanava at No. 2 naman sa mga lungsod ng Navotas at Malabon. Ang suspect ay may dalawang standing warrant of arrest sa kasong murder.
Idineklara namang dead-on-arrival sa MCU Hospital si SPO4 Hector Laceda, miyembro ng CIDG-National Capital Region (CIDG-NCR) na nakabase sa Camp Crame.
Ang nasugatang si SPO1 Juan Fernando, ay nasa mabuti ng kalagayan. Ang dalawang pulis ay agad na pinarangalan ni Magalong. Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang isinisilbi ng CIDG-NCR sa pamumuno ni Supt. Danny Macrin kasama ang Northern Police District-Special Weapons and Tactics (NPD-SWAT) ang warrant of arrest laban kay Mangali sa Brgy. Tanza ng nasabing lungsod.
Gayunman sa halip na sumuko ay agad pinaputukan ng suspect ang arresting team na nauwi sa shootout.
Sa putukan ay bumulagta ang suspect habang dalawang pulis ang nasugatan, isa sa mga ito ay hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.
Narekober naman sa pinangyarihan ng shootout ang isang cal. 45 pistol, isang carbine rifle at isang cal. 22 rifle.