TV reporter nadale ng karnaper

MANILA, Philippines - Muli na namang umarangkada ang kilabot na carnapper sa lungsod Quezon, kung saan isang reporter ng TV5 ang natangayan ng isang kotse kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, ang biktima ay kinilalang si Jeff Ca­paras, reporter ng TV5 at residente sa lungsod.

Natangay kay Caparas ang isang Honda Ci­vic ESI (TNT-673) habang nakaparada sa   panu­lukan ng Timog Avenue at Jamboree St., ganap na alas-5:30 ng umaga.

Ayon kay Caparas, alas-10 Huwebes ng gabi nang iparada niya ang kanyang sasak­yan sa nasabing lugar na madalas na niyang ginagawa, ilang metro lamang ang layo sa tinutuluyang condominium.

Sabi pa nito, kampante siya na hindi ma­ga­galaw ang nasabing sasakyan dahil matagal na niya itong ginagawa at pinupuntahan pa niya ito bago iwan sa lugar.

Subalit, pagsapit sa naturang oras, nang balikan ni Caparas ang sasakyan ay tanging bubog na lamang ang kanyang nadatnan at nawawala na ang mismong kotse nito.

Agad na nagtungo sa PS10 si Caparas para magpa-blotter ang nasabing insidente.

Samantala, ilang minuto pa lamang ang nakakalipas matapos magpa-blotter ay nakatanggap na ng tawag ang istasyon ng pulisya hingil sa isang kotse na natagpuan sa may bahagi ng Brgy. Sacred Heart, partikular sa Scout Rallos at Scout Ybardoloza.

Agad na pinuntahan ng biktima at awto­ridad ang nasabing sasakyan kung saan nakumpir­mang pag-aari ito ng una, subalit wala na ang mga accessories ng sasakyan sa loob  nito.

Dagdag ni Caparas, umaabot sa P200,000 ang halaga ng mga accessories na nakakabit sa kanyang kotse, tulad ng stereo, at speaker, bukod pa ang wiper at side mirror.

Duda ng mga mamamahayag posibleng naalarma ang mga karnaper nang malamang pag-aari ng media ang sasakyan kung kaya hindi na nagawang katayin ang buong piyesa nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments