MANILA, Philippines - Patuloy ang pamamayani ng karahasan sa Bukid area ng Caloocan City makaraang tatlo katao ang nasawi, habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi na sina Rey Cayetano, 35, barbero; Aiko Escarda, 23; at Jomar Andaya, pawang mga residente ng Brgy. 176, Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Isinugod naman sa East Avenue Medical Center ang mga sugatang sina Ogie Laderas, 23-; Bobby Sarmiento, 23; at Jerome Tenson, 23.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nag-iinuman ang mga biktima sa gilid ng kalsada sa may Phase 4B Package 8 Block 89 Lot 31 Bagong Silang dakong alas-8:30 ng gabi nang biglang dumating ang apat na salarin na pawang nakasuot ng maskara at pinaulanan ng bala ang mga ito.
Mabilis na tumakas ang mga salarin lulan ng mga motorsiklo na walang plaka. Nakuha naman ng mga elemento ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril.
Agad na nasawi sa lugar ng krimen si Cayetano nang mapuruhan ng bala sa ulo habang naisugod pa sa Jose Rodriguez Hospital si Escarda kung saan idineklara siyang “dead upon arrival”. Dinala naman si Andaya sa Nodalo Hospital at nalagutan ng hininga habang isinasailalim sa gamutan dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Ipinag-utos ni Caloocan Police chief, Sr. Supt. Ariel Arcinas ang masusing imbestigasyon sa krimen upang mabatid ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin. Nais ring malaman ng pulisya ang background ng mga nasawi at sugatan upang makakuha ng lead sa insidente.