Fetus nadiskubre sa inidoro

MANILA, Philippines – Isang apat na buwang babaeng fetus ang natuklasan matapos na bumara­ sa inidoro ng isang condominium sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakuha ang  fetus sa  room 808 Mezza Residence Tower sa Araneta Ave., Araneta Blvd., sa lungsod, ganap na ala-1 Sabado ng hapon.

Sa imbestigasyon ni PO2 Louie Serbito, natuklasan ang  fetus ng mga maintenance officer na sina Wilfredo Salazar at Hajilodin Estolloso na nakabara sa inidoro ng nasabing unit.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni Serbito na  dalawang araw bago ang insidente, isa umanong  kasambahay sa na­sabing unit ang umano’y nakaramdam ng sakit ng ulo.

Hindi umano alam ng kasambahay na buntis ito, kung kaya uminom ng mefenamic asid at bioflu, hanggang sa nanakit umano ang tiyan nito.

Nagpasya ang kasambahay na gumamit ng inidoro kung saan umano nito na-flush ang nasabing fetus.

Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang otoridad sa nasabing insidente. 

Show comments