MANILA, Philippines - Matigas ang paninindigan ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng Ordinance No. 550 na nagbabawal ng pag-aangkas ng dalawang lalaking di magkamag-anak sa motorsiklo.
Ayon kay Abalos, hindi nila ipapatigil ang pagpapatupad ng ordinansa sa lungsod kahit ulanin pa sila ng kaliwa’t kanang protesta at kaso dahil ito’y para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.
Paliwanag ni Abalos, simula nang ipatupad nila ang ordinansa ay nagkaroon na ng ‘zero-crime rate’ sa lungsod at nais aniya nilang magpatuloy ito.
“Magdemanda na ang magdemanda. Hayaan na lang natin na ang hukuman ang magdesisyon hinggil dito,” ani Abalos.
Nilinaw rin ni Abalos na hindi naman nila pinagbabawalan ang magkaangkas sa motorsiklo ngunit kinakailangang magkamag-anak ang mga ito.
Una nang dumulog sa korte ang mga samahan ng motorcycle riders at inireklamo ang naturang ordinansa na nagbabawal sa mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Biyernes ng umaga, nag-motorcade ang Motorcycle Riders Organization patungong city hall mula sa C5 Julia Vargas bilang protesta sa ordinansa.
Pagdating doon, naghain ang grupo, kasama ang Arangkada Alliance ng petisyon sa Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) na humihiling na maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang korte.
Giit ng mga grupo, hindi makatarungang ipagbawal sa siyudad ang higit sa isang lalaking sakay ng motorsiklo dahil karapatan anila ng mga rider na iangkas ang sinuman na kanilang naisin.