MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang kalalakihan makaraang makumpiskahan ng P5.2 milyong halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang mall sa Cubao, Quezon City, kamakalawa.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Benigno Mendoza, 30; at Jaylord Torero, 23, mga nakatira sa Pasig City.
Sa ulat ni Richard Tiñong, hepe ng Plans and Operations ng PDEA-National Capital Region (NCR), nasakote ang mga suspek matapos ang dalawang linggong surveillance.
Nang mag-positibo ang impormasyong natanggap ng PDEA laban sa mga suspek ay inilatag ang operasyon.
Ganap na alas-5 ng hapon nang magkasundo ang isang PDEA agent na poseur-buyer at mga suspek para sa palitan ng items kung saan naganap ang pag-aresto. Nasamsam sa mga suspek ang 50-gramo ng shabu at marked money na ginamit sa operasyon.
Itinanggi naman ng mga suspek na kanila ang iligal na droga dahil napag-utusan lamang sila na dalhin ito sa isang hotel.
Ayon sa PDEA, lahat ng nahuhuli nila sa iligal na droga ay gumagawa ng alibi para makalusot sa kaso.