Pagbaliktad ni PO2 Angel, QCPD ’di-apektado

MANILA, Philippines – Hindi apektado ang Que­zon City Police District (QCPD) sa pagbaliktad ng testimonya ni PO2 Edgar Angel na pinilit lamang siyang tumestigo kaugnay sa pagpatay kay car racer Enzo Pastor.

Ayon kay QCPD director P/Chief Supt. Richard Albano, lahat anya ng proseso ay ginawa ng pamunuan, tulad ng pagbibigay kay Angel­ ng constitutional rights bago magbigay ng testimonial kaya walang merito ang pagbaliktad nito sa nauna niyang pahayag kung saan ang lahat ng testimonial evidence ay hawak na ng Department of Justice para magdesisyon sa kaso.

“Hindi rin totoo na scripted ang lahat base sa pahayag ni PO2 Angel dahil maging ang lahat ng mamamahayag ay narinig ang kanyang pahayag laban sa dalawa pang sangkot sa krimen,” dagdag pa ni Albano.

Nilinaw pa ni Albano na ang kaso ay naisalang na sa inquest proceedings at matibay ang dokumentong kanilang ipinrisinta laban sa mga ito.

Aksyon ito ng QCPD, matapos na bawiin ni PO2 Angel ang kanyang testimonya na nagdadawit sa iba pang akusadong sina Domingo de Guzman III at si Dahlia Guerrero-Pastor, ang mastermind sa kaso ng pagpatay kay Enzo Pastor.

Samantala, itinakda naman ang susunod na pagdinig sa October 6, 2014, na inaasahang magsusumite ng counter affidavit ang mga respondent na sina Domingo de Guzman at Daliah Guerrero.

Inaasahan namang magpapalabas na ng resolusyon ang DoJ sa kasong murder at frustrated murder laban kay PO2 Angel.

Sa ilalim ng patakaran, mayroon lamang 15-araw ang piskalya para lutasin ang kaso ni PO2 Angel mula nang siya ay ma­isalang sa inquest proceedings at isuko­ ang kanyang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code o Delay in the Delivery to Judi­cial Authorities.

Show comments