13-anyos na nene ginahasa, ginilitan pa ng tiyuhin

MANILA, Philippines -  Nasa kritikal na kondisyon ang isang 13-anyos na batang babae nang gahasain, laslasin ang leeg at saksakin ito sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng kanyang sariling tiyu­hin, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Ginagamot ngayon sa Ospital ng Parañaque ang biktima na itinago sa pa­ngalang Gerlie, 1st year high school at taga Brgy. Tambo ng naturang lungsod.

Nakakulong naman sa Parañaque City Police detention cell ang  suspek na tiyuhin nito na si Fernando Trinidad, 53, construction worker, ng nasabi ring lugar. Base sa isinumiteng report ni Senior Inspector Benedicto Balagtas, com­mander ng PCP-2, Parañaque City Police alas-9:00 ng umaga nang maganap ang pananaksak sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Tambo.

Ayon sa ulat, ginahasa muna ang biktima ng kanyang tiyuhin kamakalawa ng gabi sa loob ng inuupahan nilang bahay, dahilan upang ipadakip ito sa mga pulis.

Subalit, mismong ang ama ng biktima na hindi binanggit ang pangalan ay nakiusap sa mga pulis na pakawalan ang suspek at walang katotohanan at bintang ng kanyang anak sa kanyang kapatid.

Dahil dito, napakawalan ang suspek, kahapon nga ng umaga bumalik ang suspek sa tinutuluyang bahay ng biktima na kung saan naabutan niyang natutulog si Girlie at sabay na tinakpan ang bigbig nito at sabay na  nilaslas ang leeg.

 Nanlaban umano ang biktima sa suspek subalit pinagsasaksak pa siya sa ibat ibang bahagi ng katawan. Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek at sa isang follow-up operation ng mga kagawad ng Parañaque City Police ay nadakip ito.

Ang suspek ay sinampahan na ng kaso sa Parañaque City Prosecutor’s office habang tinitignan nga­yon ng pulisya kung ano ang ikakaso nila sa ama ng biktima na siyang nagpumilit na palayain ang suspek.

 

Show comments